Modern Sports Complex ng Tanauan, uumpisahan
LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas- Isang makabagong sports complex ang nakatakda ng umpisahan ngayong taon sa Barangay Darasa ng lungsod na ito.
Ito ang malugod na ibinalita ni Mayor Thony C. Halili sa kanyang unang mensahe para sa taong 2018 sa isinagawang flag raising ceremonies noong Enero 8, 2018 kung saan pinangunahan din nito kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang pagpaparangal sa mga batang atletang Tanaueño na nagsipag-uwi ng kani-kanilang karangalan matapos magwagi sa Inter-Division Sports Competition noong nakaraang taon sa Bolbok, Batangas City.
Dagdag pa ni Mayor Halili, nakatanggap ng Php 30M budget mula sa pamahalaang nasyonal ang Tanauan City para sa nasabing infrastructure project.
Kasama ng sports complex na pagkikitaan ng 4,000 seating capacity na grandstand, oval track and field at 5,500 seating capacity na indoor sports stadium, isang 3 to 4-storey Senior High School Building, 3-storey DepEd Division Administration Building at 4-storey Senior High School Dormitory Building din ang nakatakdang ipatayo.
Nakatakdang umpisahan sa unang quarter ng taon ang pagpapagawa ng 15-meters wide na kalye (access road) patungo sa project site.
“Ang isang kabataan na mahilig sa sports ay hindi siguro maghahangad na sirain ang sariling katawan sa paggamit ng drugs.” Ito ang karagdagang pahayag ni Mayor Halili kasunod ng pagsasabi nitong nilalayon ng naturang proyekto ang tuwirang iiwas o ilayo ang mga kabataan ng lungsod sa paggamit ng ilegal na droga.
Kapag natapos na ang naturang proyekto, inaasahan ni Mayor Halili ang pagho-host ng Tanauan City ng mga malakihang sports competition at activities.